Three Tasa
- Nov 8, 2025
- 1 min read
Kilala rin ang Maynila sa mga pambansang museo riyan sa may Ermita. Kung sa hanay ng mga sining, napakaraming mga obra ang makikilala at maging ang mga alagad ng sining na siyang nasa likod ng bawat likha. Grabe pala ‘yung istorya sa likod ng Spoliarium, ‘no? Agaw-pansing mga piyesa ngunit kahindik-hindik ang kasaysayan at ibig sabihin nito. Tunay ngang sa loob ng mga museo makikita ang naging karanasan ng Pilipinas sa mga nagdaang oras.
Akalain mo ‘yon? May mga batang namamangha sa paligid, lalo na sa hanay ng antropolohiya. Napakaraming mga kagamitan mula sa iba’t ibang kultura. Sa kabila ng mangha ay tanong ang sumagi sa aking isipan. “Lahat ba ng lahi sa bansa ay nakararanas din ng pandaraya?” Dahil sa totoo lang, kahit pa ipangalandakan ang mga kagamitan, hindi nito matatakpan ang kagat ng mga buwaya at samu’t saring korapsyon mula sa gobyerno. Sana ay maging libre, sana ay wala nang bawas sa mga sinasahod ng mga nangangalaga rito sa museo. Sana ay hanggang obra lamang ang paglalarawan sa karahasan. At hindi lang museo ang tinutukoy ko.
At hindi lang din sa Pilipinas.
Habang nililibot ko nang libre ang Museo ng Antropolohiya, napatigil ako sa tatlong tasang nasa aking harapan. Gayon din ang isang bata na may gasa sa mukha. “Wow, three tasa!”
Ngumiti ako at sumang-ayon sa kanya, “Oo, three tasa.”
At hindi ito tungkol sa tasa.
Akda ni Anton Cosculla, Staff Writer
Dibuho ni Fatyma Borja, Associate Chief Cartoonist
.png)


.png)
Comments