Pasko? Oo, pasko!
- Dec 17, 2025
- 1 min read
Malamig ba ang simoy ng hangin?
O sadyang matamlay lamang sa aking paningin?
Noon, ang salitang ‘Pasko’ ay mula sa puso ng mga tao,
Ngayon? Pawang ala-ala na lamang ang nananalaytay rito.
Pang-araw-araw na pamumuhay, mahirap nang sadya.
Dagdag mo pa ang mahirap na pakikibaka ng masa.
Hindi naman sukatan sa dami ng maihahain sa hapag ang pagdiriwang na ito,
Sabi ni Inay, ang kapatawaran at pagbubuklod ang siyang tunay na simbolo.
Magkagayon man, likas na sa atin isantabi ang kirot,
Ngumiti kahit mapait ang pinagdaanang unos.
Dumidiskarte na naman si Tatay sa pamamasada,
Para lamang ang baon ko sa eskwela ay madagdagan niya.
Papalapit na ang pasko? Oo, pasko! Ngunit walang bagong gamit,
Tanging mga maalikabok na kubyertos lamang ang mauulit.
Ang ilan ay danas ang hiyaw ng karangyaan,
Sa iba ay musmos na katahimikan, binalot ng kahirapan.
Ngunit paano nakakatulog ng mahimbing ang mga korap na politiko?
Kung buwis namin ang ihahain bilang handa nila sa pasko.
Samantalang gahol sa trabaho ang magulang ko,
Sa taas ng bilihin, mukhang mangangarap na lamang ako.
Ang selebrasyon ay para sa Anak ng Lumikha—
Patunay ng Kaniyang pagiging dakila.
Hindi man patas ang hatol ng panahon,
Ang tadhana sana’y sumang-ayon.
Bilang isang mag-aaral ay masayang ipagdiriwang ang kapaskuhang ito,
Hindi man marangya ang buhay na tinatahak namin ng kamag-aral ko,
Hindi man mariwasa o masagana ang nakagisnang estado,
Puso’t diwa ng kataas-taasan ang bumubuhay rito. [F]
Akda ni John Rey Osumo, Staff Writer
.png)


.png)
Comments