top of page

Pagkatapos ng Malakas na Ulan

  • Nov 11, 2025
  • 2 min read

Sabi nila, kapag umuulan, biyaya raw ito mula sa langit. Biyayang nagbibigay-buhay sa mga palayan, nagpapalamig sa nag-aalab na mundo, at nagpapahinga sa pagod na kaluluwa. Ang bawat patak ay tila musikang umaawit ng katahimikan sa gitna ng kaguluhan ng buhay. 


Sabi nga ni Asia’s Songbird Regine Velasquez, “Buhos pa ulan, aking mundo’y lunurin tuluyan.” At sa bawat bagsak ng patak, wari’y nilulunod tayo ng ulan sa alon ng damdamin — malamig, mapanatag, ngunit minsan ay mapanakit. 


Ngunit sa likod ng himig ng ulan at ihip ng hangin, ano nga ba ang tanawin pagkatapos ng malakas na ulan? 


Para sa ilan, ito ay pahinga; isang sandaling kapayapaan. Ngunit para sa mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan, ang ulan ay hindi musika kundi isang trahedya — mga pamilyang walang masisilungan, mga batang nalulunod sa putik, at mga hayop na inanod ng kawalan. 


Sa mga walang bubong na masasandalan, ang bawat patak ng ulan ay tila punglo ng paghihirap. Ang mga lansangang nagmistulang ilog ay nagiging bangungot sa mga trabahador na kailangang lumusong upang maghanapbuhay, at sa mga estudyanteng patuloy na nangangarap sa kabila ng baha. 


Tunay ngang biyaya ang ulan — kung may maayos na sistema. Isang sistemang kayang sumalo sa mga patak ng hamon, hindi iyong mabilis lumubog sa baha ng kapabayaan. Kung hindi sana kinurakot ang pondo sa flood control projects, marahil ay hindi nalunod sa pagdurusa ang mga maralita. Kung hindi sana ninakaw ang buwis ng bayan, baka may mga tulay na nagdudugtong, hindi mga pangakong napuputol. 


Ngunit sa kabila ng unos, ako’y naniniwala: may liwanag pa ring sisilay. Sapagkat tulad ng bahaghari pagkatapos ng unos, laging may pag-asang sumusulpot sa bawat dilim. May mga pusong handang tumulong, may mga Pilipinong patuloy na lumalaban, at may mga pangarap na muling sisibol mula sa putik ng kahapon. 


Nawa’y sa pagtigil ng ulan, hindi lamang baha ang lumisan, kundi pati ang bulok na sistemang matagal nang nagpapalunod sa ating bayan. At sa pagsikat ng araw, nawa’y sumilay din ang bagong pag-asa — isang gobyernong tapat, isang lipunang may malasakit, at isang sambayanang muling titindig, pagkatapos ng malakas na ulan.


Akda ni Micleian Illustrisimo, Staff Writer


Recent Posts

See All
In the loving memory of a losing spark,

Nothing feels more sorrowful than living with a passion that is slowly slipping through one’s fingers. It is worse than mourning the dead, because the loss does not rest—it lingers, it breathes. It re

 
 
Pagtalon sa Bagong Taon

Mayroong pamahiin tuwing papasok ang bagong taon. Sabi nila, kailangan mo raw tumalon. Sa pag-angat ng dalawang paa, mga pailaw sa kalangitan ang bubungad. Sa pagyabag mula sa pagkakabagsak, lupa’y sa

 
 

Comments


Commenting on this post isn't available anymore. Contact the site owner for more info.
bottom of page