Mano po, Punong Mangga
- Nov 26, 2025
- 1 min read
Galing si Ilana sa eskwela, pagod ngunit nag-u-umapaw ang sigla. Banayad siyang naglakad hanggang sa bakuran ng kaniyang Lola at tumambay sa ilalim ng puno ng mangga. Huminto siya at isinandal ang noo sa katawan nito. "Salamat po sa lilim at bunga." bati niya sa matandang puno.
Ito ang paraan niya ng pagma-mano sa puno. Doon niya iginugugol ang oras, ginagawa ang kaniyang mga assignment, minsan pa’y nakikinig sa huni ng mga ibon at dinadama ang simoy ng hangin. At kapag malapit nang dumilim, saka lamang siya pumapanhik sa kanilang bahay.
Habang kumakain ng hapunan, napansin ng kaniyang Ina ang ngiti sa mukha ni Ilana. "Mukhang paborito mo talaga ang punong manggang iyon," wika ng Nanay niya. Tumango naman si Ilana at ngumiti.
Sagot ng kaniyang Itay, "Naalala ko tuloy, dati rin ganoon ka sa iyong Lolo—palabati at ma-respeto.”
Kumurba naman ang mga labi ng kaniyang Lola, tila may ginugunita at panandaliang binisita ng magandang ala-ala. "Siguro nga, aking apo... kaya wiling-wili ka sa punong iyon ay dahil nakalibing sa ilalim n’on ang Lolo mo."
Isinulat ni Mariah Faye Dela Cruz
.png)


.png)
Comments