top of page

Makikita sa Mata

  • Dec 2, 2025
  • 2 min read

Makikita sa mata ang mga bagay na hindi kayang tabunan ng talumpati.

Kahit gaano karaming pangako ang ipaskil sa mga plakard,

kahit gaano karaming salitang “para sa bayan” ang ulitin,

hindi natatago ang sindak, pagod, at dismaya

na unti-unting namumuo sa mga mata ng mamamayan.

Sabi nga ng matatanda, “tignan mo sa mata, kung siya ay tunay ngang tapat at totoo.”


Sa mata ng bata,

makikita ang pagkalito kung bakit mas mabilis

magpatayo ng billboard kaysa paaralan,

kung bakit mas madalas ang ingay ng politika

kaysa ang sigaw ng pag-asa.


Sa mata ng magsasaka,

may luhang hindi na bago—

luha ng lupaing ipinangakong kanila

ngunit hindi kailanman lubos na napasakanila;

luha ng palay na lumulubog sa baha

habang patuloy sa paglubog sa utang ang kinabukasan.


Sa mata ng manggagawa,

may pagod na hindi kayang suklian

ng sahod na labis ang kakulangan.

Kumikislap doon ang pangarap

na sana’y pantay ang laban,

na sana’y marinig sila

ng mga taong yapos ang matataas na upuan.


Sa mata ng lider,

naroon ang mapaglarong liwanag—

minsan pag-asa,

minsan kapangyarihan,

minsan ambisyon,

minsan kasinungalingan.


At tayong tumitingin,

nag-aaral tuklasin kung ano ang katotohanan.


Sapagkat sa Pilipinas,

bago pa man lumabas ang balita,

bago pa man magsimula ang kampanya,

bago pa man ipaskil ang bagong pangako,

makikita na natin sa mata ng isa’t isa

kung saan patungo ang bayan—

kung tayo ba’y lalaya,

kung tayo ba’y uunlad,

o kung tayo ay maliligaw na naman

sa dilim ng sariling kasaysayan.


At marahil ito ang katotohanan:

hindi kailanman kayang lokohin ng kapangyarihan

ang matang sanay nang makakita ng paulit-ulit na siklo.

Sa huli,

kapag hindi na nagsalita ang mga labi,

kapag sawang-sawa na ang tainga,

ang tanging magiging saksi

ay ang mata ng sambayanan—

dahil makikita sa mata

ang katotohanang hindi kayang tabunan

at hindi kayang pagtakpan ng mga kasinungalingan,

maging ang abuso ng mga nasa puder na tila dapat pagsilbihan.


Akda ni Micleian Illustrisimo, Staff Writer

Dibuho ni Elesi, Debuhista

Recent Posts

See All
In the loving memory of a losing spark,

Nothing feels more sorrowful than living with a passion that is slowly slipping through one’s fingers. It is worse than mourning the dead, because the loss does not rest—it lingers, it breathes. It re

 
 
Pagtalon sa Bagong Taon

Mayroong pamahiin tuwing papasok ang bagong taon. Sabi nila, kailangan mo raw tumalon. Sa pag-angat ng dalawang paa, mga pailaw sa kalangitan ang bubungad. Sa pagyabag mula sa pagkakabagsak, lupa’y sa

 
 

Comments


Commenting on this post isn't available anymore. Contact the site owner for more info.
bottom of page