Sa Daan Patungong Evacuation Center...
- Oct 8, 2025
- 2 min read
Updated: Oct 31, 2025
Abot tuhod na ang baha. Ang iba ay nilalangoy ang tubig at nagsasaya, ang iba naman ay nananatili sa kanilang mga bahay, at gaya namin ay may mga lilikas din.
Habang patungong Evacuation Center, maraming mga tanong, at pagkatanto ang tumatakbo sa aking isip.
𝘽𝙖𝙠𝙞𝙩 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙥𝙖 𝙧𝙞𝙣 𝙝𝙪𝙢𝙪𝙝𝙪𝙥𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙥𝙖𝙜𝙗𝙖𝙝𝙖, 𝙠𝙖𝙝𝙞𝙩 𝙞𝙡𝙖𝙣𝙜 𝙩𝙖𝙤𝙣 𝙣𝙖 𝙞𝙩𝙤𝙣𝙜 𝙥𝙧𝙤𝙗𝙡𝙚𝙢𝙖?
Sabi nila, kapag alam na tatamaan ng bagyo ang lugar, dapat maging matalino, lumikas na't maghanda. Masyadong tinatangkilik kuno ng mga tao ang kanilang mga ari-arian, kaysa ang kaligtasan ng kanilang mga buhay.
Pero hindi ba nila naisip, na hindi sapat ang pagiging matalino, at handa sa mga oras na ito?
𝙉𝙖𝙥𝙪𝙧𝙞 𝙣𝙜𝙖 𝙩𝙖𝙮𝙤 𝙨𝙖 𝙥𝙖𝙜𝙞𝙜𝙞𝙣𝙜 '𝙧𝙚𝙨𝙞𝙡𝙞𝙚𝙣𝙩,' 𝙥𝙚𝙧𝙤 𝙣𝙖𝙬𝙖𝙡𝙖 𝙗𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙗𝙖𝙝𝙖?
Hindi na ba kailangan lumusong ng mga estudyante at manggagawa para lamang pumasok sa paaralan at trabaho?
Hindi na ba titirik, o lulubog ang mga sasakyan sa daan?
Hindi na ba kailangan ng kapitbahay namin na sa bubong manatili kapag lubog na ang kanilang bahay?
Hindi na ba mababalisa ang mga magsasaka sa kanilang mga tanim?
Paano kung sa susunod, mismong ang Evacuation Center ang bahain at maapektuhan, saan na tayo lilikas?
Kinalabit ako ng aking bunsong kapatid, na kahit may kapote ay basa pa rin ang buhok. Tinuro niya ang isang tarpaulin na nakalubog sa baha, at may katagang: 𝗧𝗛𝗔𝗡𝗞 𝗬𝗢𝗨 𝗧𝗔𝗫 𝗣𝗔𝗬𝗘𝗥𝗦! 𝗧𝗛𝗜𝗦 𝗜𝗦 𝗪𝗛𝗘𝗥𝗘 𝗬𝗢𝗨𝗥 𝗧𝗔𝗫𝗘𝗦 𝗚𝗢! 𝗙𝗟𝗢𝗢𝗗 𝗖𝗢𝗡𝗧𝗥𝗢𝗟 𝗣𝗥𝗢𝗝𝗘𝗖𝗧 𝗢𝗙 𝗠𝗔𝗬𝗢𝗥-
Nakakatawa.
Saan napunta ang pondo para sa matagal na suliranin na ito?
Inagos din ba ng tubig ang milyon-milyong salaping nakalaan para rito? Ang daming pangako, ngunit ang mga paa’y sa baha nananatiling nakalubog.
Si nanay, nag-aantay ng tawag habang nilulusong namin ang baha patungo sa lugar na paglilikasan, hawak ang cellphone. Naalala ko na naman, 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘢𝘯𝘰 𝘨𝘢𝘸𝘪𝘯𝘨 𝘣𝘪𝘳𝘰 𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘳𝘢𝘮𝘪 𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘪𝘵𝘸𝘢𝘴𝘺𝘰𝘯 𝘯𝘢 𝘪𝘵𝘰.
Siguro nagagawa nila iyon, kasi hindi sila binaha,
Hindi sila nasiraan ng bahay,
Komportable at malamig sila sa kanilang mga kwarto,
Hindi nila danas ang sitwasyon ng mga nasa laylayan.
𝙒𝙖𝙡𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙨𝙖𝙬𝙞 𝙨𝙖 𝙠𝙖𝙣𝙞𝙡𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙢𝙖𝙝𝙖𝙡 𝙨𝙖 𝙗𝙪𝙝𝙖𝙮.
May mga lumulusong at nagtutulak ng bangka o pridyider na sira at may nakasakay na pasahero sa mga ito.
May mga naglalaro, ginagawang paliguan ang tubig-baha,
Hindi ba sila natatakot sa sakit na maaari nilang makuha?
Swerte pa nga kami, naka-bota at kapote kami nila Nanay at Bunso. Minalas lang sa bahay kaya kinailangang umalis.
Tanaw na namin ang Evacuation Center, malapit na kami. Pagod na si nanay, tulog na si Bunso na karga, at masakit na rin ang katawan ko sa bigat ng aking mga dala, lamig at ngalay.
𝗞𝗮𝗶𝗹𝗮𝗻 𝗸𝗮𝘆𝗮 𝗺𝗮𝘁𝗮𝘁𝗮𝗻𝗮𝘄 𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗶𝘁𝗼 𝗻𝗮 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗻𝗮𝗴𝗱𝘂𝗿𝘂𝘀𝗮 𝘀𝗮 𝗵𝗮𝗴𝘂𝗽𝗶𝘁 𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗴𝘆𝗼?
Akda ni Jannah Miraballes, Staff Writer
Litrato ni Dana Hernandez, Chief Photojournalist
.png)


.png)
Comments