top of page

Krusada sa Kalsada: Ang Penitensiya ng Masa

  • Apr 4
  • 2 min read

Taon-taon, hindi nanawala sa kalsada ang mga debotong katolikong nagpepenitensiya. Bawat hampas ng burilyo'y siya namang tagak ng dugo sa kanilang likod, simbolismo ng paghingi ng tawad sa kasalanan. Ngunit kasabay ng ingay ng pagpalo ng penitensyante ay ang daing ng drayber at pasahero sa patuloy na pagtaas ng halaga ng krudo.


Tila dalawang magkaibang mundo sa lansanga’y nagtagpo: ang isa ay namamanata, habang ang isa’y nakikibaka.


Ang penitensya ay hindi na lang tradisyunal na pagtubos ng kasalanan tuwing semana santa, ito ay naging kasanayan na ng mga Pilipino na pagpasan ng kahirapan sa ilalim ng mapaniil at pabigat na pamamahala.


Kung babalikan, hindi naman nagsimula ang penitensya bilang simpleng debosyon lamang. Sa ilalim ng mga Kastila, ito ang naging paraan upang pahirapan ang kung sinong makasalanan.


Sa bawat hampas ng latigo ng prayle ay siya ring pagtangis ng bilanggo. Ang "Pasyon" ang naging sandigan ng mga tao; naniwala silang pagkatapos ng bawat "Biyernes Santo" ng pang-aapi, laging may "Linggo ng Pagkabuhay" na simbolo ng kalayaan.


Ngunit ngayong 2026, ang krus na pasan ng mamamayan ay hindi na yari sa kahoy kundi sa presyo—presyo ng pamasahe, ng gasolina, at ng mga batayang pangangailangan. Hindi na ito ritwal na pinipili, kundi realidad na ipinapataw.


Kung ang mga Magdarame ay boluntaryong naglalakad nang nakayapak sa mainit na aspalto bilang panata, ang ordinaryong manggagawa ay napipilitan na ring maglakad nang kilometro-kilometro dahil sa mataas sa singil-pasahe.


Ang bawat sentimong dagdag sa litro ng langis ay parang isang bagong sugat sa likod ng masang Pilipino; mahapdi, paulit-ulit, at tila walang balak maghilom.


Dito nagtatagpo ang dalawang anyo ng penitensya: ang isa’y kusang-loob, ang isa’y ipinapataw. Parehong masakit, ngunit magkaiba ang dahilan. At sa pagitan ng dasal at dusa, nananatili ang tahimik na panata ng marami—ang pag-asang balang araw, may magbabago.


Ngunit sa pagitan ng dasal at dusa, isang tanong ang nananatiling sugat sa ating kamalayan—hanggang kailan magiging panata ang pagtitiis, at kailan ito magiging paniningil?


Akda ni Cheright Bergonio



Recent Posts

See All
Hidden in the Racks

On a random street corner in the Philippines, beneath faded tarpaulins and handwritten “₱50 SALE” signs, entire universes of style quietly wait inside cramped ukay-ukay shops. Ukay-ukay, derived from

 
 
KWF Diksiyonarong Dihital — Para sa Pilipino!

Kung ang isang salitang Ingles ay tila napakadaling hanapan ng kahulugan sa iba’t ibang dihital na sanggunian, hindi rin nagpahuli ang Komisyon sa Wikang Filipino at hinandugan din ang mga Pilipino ng

 
 

Comments


Commenting on this post isn't available anymore. Contact the site owner for more info.
bottom of page